IISA ang napansin ng lahat ng reporters kina KC Concepcion at Paulo Avelino sa presccon ng Give Love on Christmas Presents Exchange Gift, pareho silang blooming at halatang in love.
Hula ng lahat ay may relasyon na talaga ang dalawang bida ng Christmas seryeng handog ng Dreamscape Entertainment pero hindi naman nila ito inaamin at ang parating sinasabi ay ‘magkaibigan lang’ sila.
“Siguro po, timing is everything talaga, at saka kung gugustuhin man ni God or ano, di ba, wala naman tayong kontrol sa mangyayari,” katwiran ng dalaga.
“He’s (Paulo) at the age na marami pa siyang puwedeng gawin. Ako rin po. Right now, we’re happy na may ginawa kami together, na masaya kami and happiness kasi exciting ‘yung mga scenes, ‘tapos parang comedy, light.
“And parang first time rin namin to involve each other sa isang professional ano na naman kasi for four years since MMK (Maalaala Mo Kaya), puro kami personal ano.
“So, kung magtutuluy-tuloy na maganda ‘yung meron kami, kung friendship ba ‘yun or ‘yung connection namin, kung magtutuluy-tuloy na magkaintindihan, na suportahan namin ang isa’t isa na maging better people, na mag-improve, siyempre, ba’t n’yo naman ipapasok ang isang tao sa buhay ninyo kung ikasasama mo naman ‘yun? And so far, parang okay naman. As long as magtuluy-tuloy po ‘yun, we don’t know,” mahabang sabi ni Kristina Cassandra (KC) na sinang-ayunan naman agad ni Paulo.
“Hindi rin natin alam kung ano’ng mangyayari sa future natin so magpo-focus po muna kami kung anong mayroon kami ngayon, mga blessings na dumarating like itong project na ito,” sabi ng binatang ama.
Ang medyo nakakagulat, inamin nina Paulo at KC na crush nila ang isa’t isa.
“Minsan lang po ako magka-crush, ang baduy ko talaga,” nahihiya pang kuwento ng aktres. “Pero ‘yun nga, crush ko siya before. So, siyempre, for a girl, maganda rin na parang naka-work mo ‘yung... (crush mo). Totoo naman po talaga na ‘yung mga mata niya, ganyan,” kinikilig na kuwento ng dalaga.
Kaya mapapansin sa mga eksena nila sa Exchange Gift na makatotohanan ang kilig-kilig nila dahil may something talaga silang nararamdaman.
“Sabi nga nila para lang silang nanonood ng reality show. May mga time na parang nadadala ako sa adlib, kasi natutuwa lang ako sa situation. ‘Yung mga eksenang ganu’n, parang naeengganyo akong mas gawin pang ano ‘yung scenes,” kuwento pa ng dalaga.
“Crush ko rin siya,” ganting pag-amin naman ni Paulo. “So, parang nakakatuwa na ‘yung kaeksena mo, crush mo, ‘tapos sobrang ganda, parang minsan, parang nakakalimutan mo na ‘yung linya mo, nasasabi mo na talaga ‘yung gusto mong sabihin, napapa-adlib ka, nakaka-mesmerize naman talaga ang beauty ni KC.”
Ano ang regalo nila sa isa’t isa?
“Sa akin po, may kinalaman sa favorite sport niya, hayan binubuking ko na ang sarili ko,” sagot ni KC.
Kaya tinanong si Paulo kung ano ang paborito nitong sport.
“Rock climbing, medyo nawala ako sa pagra-rock climb naging busy ako for the past years, now I’m planning to go back po.”
Pero hindi pa nila naibibigay ang regalo nila sa isa’t isa, na ang kay Paulo naman na nakangiti niyang sinabi ay, “May kinalaman naman sa paggising.”
Nagulat si KC at sabay sabing, “Unan?” pero hindi naman siya sinagot ni Paulo.
Napansin ding slim ngayon ang dalaga kaya mas lalong gumanda’t sexy siya sa paningin ng lahat—lalo na siyempre si Paulo na panay ang tingin sa kanya.
Natanong din si KC kung naging maganda ba sa kanya ang 2014.
“Sobrang challenging po sa akin ang 2014 lalo na sa health. Ang pinaka-challenging ko is health kasi nag-start ‘yung year ko nagka-pneumonia, December 31, birthday ng lola ko nu’ng nagka-pneumonia ako last year, and then nag-States ako ng three months which was maganda ang experience, kaya lang na-polar vortex naman ako ro’n na sobrang lamig, so umuwi ako. Then blessing, I did Ikaw Lamang, blessing din na nanalo ako ng award for Ikaw Lamang, nanalo ako ng award for Boy Golden. Napakaganda ng return nang magkasakit ako, may blessing na dumating.
“Then nagka-dengue naman ako for one month na sa set (Ikaw Lamang) nga po ako nakagat, one month akong down kasi mahirap po pala ang dengue na hinigop ang lakas and then after no’n, may nangyari sa family, ‘yung lola ko po (Mommy Elaine Cuneta), parang downer na naman, ‘tapos biglang nagka-project naman for Christmas na bigay ng Dreamscape. So and ganda po ng feedback, ang ganda ng sabi ng mga taong nakapanood, so napaka-eventful ng 2014 ko talaga, so extreme na high and extreme na low. So, ano jampacked, very métier,” mahabang sabi ng aktres.
Samantala, extended ang Pasko sa ABS-CBN dahil magsisimulang mapanood ang Give Love On Christmas Presents Exchange Gift sa Enero 5 (Lunes) na bukod kina KC at Paulo ay kasama rin sina Melai Cantiveros, Jason Francisco, Miguel Vergara, Cheska Iñigo, Lauren Burgos, at Jim Paredes mula sa direksiyon ni Manny Palo.