Nababalot man ng kaguluhan ang liderato, magsasagawa pa rin ang Philippine Volleyball Federation (PVF) ng isang makabuluhang PVF Philippines-Japan International Coaches Workshop sa darating na Disyembre 27-28 kasama ang kasalukuyang 12 nangungunang coach mula sa Japan.
Sinabi ni dating national player at national team manager Edgar Barroga na ang 12 pinakamagagaling na coaches mula sa Japan ay pangungunahan ng popular at inirerekomenda ng FIVB bilang top instructor ng internasyonal na asosasyon na si Mr. Tatsuya Adachi.
Ang mga nagnanais na makadalo sa isa sa pinakamalaking proyektong internasyonal nina PVF president Karl Chan at SecGen Rustico Otie Camangian ay maaaring magparehistro sa opisina ng PVF sa Rizal Memorial Coliseum.
Ang workshop ay nakatuon sa mga bagong kautusan at isinasaimplementang international standard sa sports na volleyball at kinukunsiderang pinaka-epektibong workshop sa mundo.
“I am very excited to come in Philippine again to conduct special workshop together with 10 top coaches from Japan and I can guarantee that it will be the best workshop in the world...I show you 26 years of my experiences as FIVB coaches instructor,” sabi lamang ni Adachi.
Makakasama ni Adachi ang mga pinaka-ekspiriyensadong FIVB instructor sa buong mundo pati na ang 10 sa mga nangungunang Japanese coaches sa pagtungo sa bansa upang magturo ng mga pagbabago at mapalawak pa ang larong volleyball sa Pilipinas.