Noong unang Pasko, ipinahayag ng matinding liwanag ng isang bituin ang pagsilang ni Jesus, ang Hari ng mga hari.  Ito ay isang pagpapahayag na inasahan at idinalangin ng maraming tao ngunit hindi nila nasaksihan.

Marahil ay katulad ko rin sila.  Marahil ang kanilang mga pag-asam ay parang mga panaginip at ang kanilang mga panalangin ay mistulang mga kahilingan lamang. Marahil ay naghahanap sila sa isang bituin na magbibigay ng lahat ng kanilang kahilingan, hindi ang liwanag na magbubulgar ng kanilang mga kasalanan.

Tuwing may Simbang Gabi, kapag kumakanta ako sa misa kasabay ng pagtilaok ng mga tandang, hinihiling ko ang maraming bagay.  Hinihiling ko ang ilang mahihiwagang sandali na nasa tono ang choir na aking kinabibilangan sa okasyong iyon.  At kapag nagkaisa ang mga himig ng mga miyembro ng choir, tinatanong ko sa aking sarili kung ganito rin ba kaganda ang himig ng mga anghel sa kalangitan.

Sa simula pa lamang ng pagpasok ng Simbang Gabi, natatanaw ko ang mga mukha ng mga parokyano habang umaawit ang aming choir.  Ang iba sa kanila ay nakangiti, ang iba naman ay parang walang naririnig ngunit nakatingin sa amin o sa altar.  Hinihiling ko sa mga sandaling iyon na sana ay maunawaan ko kung bakit hindi nagkakaisa ang expression ng mga mukha ng mga parokyano sa aming pag-awit.  Gayunman, patuloy kami sa pag-awit at pagsisikap na sana ay mabigyan namin ng hustisya ang sangkap at pahiwatig ng liriko ng aming awit.

'May milyonaryo ulit!' Lone bettor, wagi ng ₱15M sa Super Lotto 6/49!

Oo nga, marami akong kahilingan, ngunit alam ko na sa halip na humiling ako na mapakinggan ang tunay na damdamin ng aming inaawit, kailangang hilingin ko rin na sana ay mapakinggan ko ang tinig ng Diyos kapag Siya ay nagsalita.

Sa halip na mabatid ko ang pahiwatig ng mga expression sa mga mukha ng mga nakikinig sa aming choir, kailangang hilingin ko rin na sana ay makita ng aking puso si Jesus at hindi ang kalituhan sa daigdig na ito.

Ang pangangarap ay pag-asa na makukuha ko ang nais ko mula sa Diyos.  Ang panalangin ay isang apela na makuha nawa ng Diyos ang nais Niyang makamtan sa akin.

Ang Pasko ay isang oportunidad upang isipin kung ano ang ibinigay ng Diyos sa atin at kung ano ang maaari nating ibigay sa Kanya.

Makamtan nawa ng Diyos ang nais Niya sa atin ngayong Pasko.