Nakauwi na kahapon sa kanyang bahay si dating Pangulo at ngayo’y Pampanga 2nd District Rep. Gloria Macapagal-Arroyo upang ipagdiwang ang Pasko sa piling ng kanyang pamilya.
Dakong 10:15 ng umaga kahapon nang ibiniyahe si Arroyo sakay sa puting coaster patungo sa kanyang bahay sa La Vista, Quezon City, mula sa Veterans’ Memorial Medical Center (VMMC), na roon siya naka-hospital arrest.
Mahigpit namang ipinatupad ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) ang seguridad para sa dating Punong Ehekutibo.
Inabot lang ng 10 minuto ang biyahe ng dating Pangulo.
Pinayagan ng Sandiganbayan 1st Division ang hiling na Christmas furlough ni Arroyo simula kahapon, Disyembre 23, hanggang sa Biyernes, Disyembre 26.
Gayunman, ipinagbabawal ng hukuman ang media interview kay Arroyo at limitado rin ang galaw nito.
Paglilinaw ng Sandiganbayan, dapat na nakabalik na sa VMMC ang dating Pangulo pagsapit ng 2:00 ng hapon sa Biyernes.
Nakapiit si Arroyo sa VMMC dahil sa kasong plunder kaugnay ng umano’y maanomalyang paggastos ng pondo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).