Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act ang isang sinibak na pulis at kinakasama nito matapos salakayin ang kanilang massage business sa Sta. Ana, Manila kung saan nasagip ang anim na babae at isang menor na lalaki.

Nakatanggap ng impormasyon ang Sta. Ana Sub Police Station hinggil ilegal na operasyon ng Blackvelvet Massage Services sa 1876 Sagrada Familia St. kung saan nag-aalok din ang establisimiyento ng panandaliang aliw sa mga Pinoy at banyaga sa Metro Manila at karatig lugar sa pamamagitan ng online adverstisement.

Sa halagang P3,000, nagbibigay umano ng “extra service” ang mga massage therapist ng Blackvelvet sa mga kliyente nito, ayon sa pulisya.

Sa isinagawang entrapment operation, naaresto si PO2 Ruperth del Rosario Vergara umano’y tumatayong protektor ng ilegal na operasyon ng Blackvelvet.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Kasabay ng bantang ipatatanggal ang mga sumalakay na pulis sa trabaho, tinangka pa umano ni Vergara na tawagan ang isang opisyal ng National Capital Region Police Office (NCRPO) upang tumayong padrino sa pagbasura ng kaso laban sa kanya.

Bukod kay Vergara, naaresto rin ang kinakasama nitong si Erlinda Gregorio, alias “Anna” sa isinagawang follow-up operation sa 2279-C Linceo St., Pandacan, Manila kung saan din nasagip ang limang babaeng masahista at isang menor na lalaki. (Jenny F. Manongdo)