KUNG nagkataon pala ay nagpang-abot sana sa Christmas party ng grupo ng mga manunulat ang dating showbiz couple na nagkaroon muna ng ilang anak bago naghiwalay. Pero nag-beg-off kasi ang pretty actress dahil araw ng Linggo ‘yon kaya day-off ng kanyang driver.
Tinupad naman ng aktor ang ipinangako na darating siya, bitbit ang mga mamahaling gamit na ipina-raffle niya para sa movie press. Parehong hindi aware ang dalawa sa posibilidad na puwede silang magkita sa naturang party.
Pero ang nakakadagdag intriga pa ay present din sa naturang party, mas naunang dumating, ang young actor na natsitsismis ngayon sa aktres. Nang dumating ang dating asawa ng aktres ay napatingin siya sa nakababatang aktor.
Kitang-kita raw ng reporters na tiningnan ng masama ng senior actor ang young actor na natsitsimis sa ex-wife niya. Kitang-kita rin nila na biglang namula ang young actor na natigil din ang pangiti-ngiting pagbati sa mga manunulat.
Ipinakilala ng isang manunulat ang young actor sa ex-husband ng aktres pero dedma ang huli at halatang iniwasan ang aktor at dumiretso sa entablado at nagsalita.
Habang nagsasalita ang older actor ay nawala na sa mood ang younger actor at hindi na lang namalayan ng reporters na nawala na pala sa venue.
Pinadalhan naman agad namin ng text message ang aktres na parehong may konek sa dalawang aktor. Binanggit namin kung nakarating siya sa party ay nagpang-abot sana sila ng present at ex niya.
“Sayang wala ako, magandang eksena sana. Ha-ha-ha! Pero sa totoo lang hindi ko present ‘yan. Grabe. Ni hindi nga nanligaw sa akin ang tao at nakakahiya sa kanya. Pero in fairness, mabait ‘yan sana, guwapo rin naman talaga, pero please, tigilan na sana nila ang pang-iintriga sa amin dahil walang katotohanan ‘yan,” reply sa amin ng premyadong aktres.