Dadaan na sa matinding proseso ng kuwalipikasyon ang lahat ng mga atleta na nagnanais makalahok sa kada apat na taong Olimpiada matapos na tuluyang alisin ang dating token na wild card entry para sa lahat ng mga miyembro nitong bansa na walang representasyon sa mga centerpiece event na athletics at swimming.

Sinabi ni Philippine Amateur Track and Field Association (PATAFA) president Philip Ella Juico na tuluyang inalis ng mga namumuno sa Olympics ang dating isinasaimplementa nitong wild card o token entry sa mga bansang walang nakapagkuwalipika sa alinmang event sa athletics at swimming.

“All athletes now must pass the qualifying standard to be able to compete in the Olympics,” paliwanag ni Juico.

Inalis naman ang dating ipinapatupad na representasyon ng bawat miyembrong bansa sa pinakamalaking aktibidad sa buong mundo bilang parte ng pakikipagkaibigan dahil na rin sa sobrang laki ng gastusin at hirap sa pagpapatupad sa mga napipiling mga laro.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Umaasa naman si Juico na magagawang makapagkuwalipika ng mga pambansang atleta na binabalak nito, kasama ang Philippine Sports Commission (PSC), na ipadala sa Estados Unidos bilang paghahanda sa isasagawang 28th Southeast Asian Games sa 2015 kasama na rin ang para sa 2016 Rio De Janeiro Olympic Games.

Una nang gagawing sukatan ni Juico ang pagsasagawa ng Philippine Track and Field Open sa Marso 19 hanggang 21 sa Laguna Sports Complex  kung saan inaasahan nitong marami itong madidiskubreng mga bago at mas batang atleta na hinahanap ng asosasyon upang mapunuan nito ang lahat ng 45 events sa sports.

“We will be looking out for new talents and to discover new and promising athletes,” sabi ni Juico, na umaasa rin na makakamit ang pagkilala at rekognasyon mula sa Philippine Olympic Committee sa hinahawakan nitong asosasyon na matagal na pinamunuan ng kontrobersiyal na si Go Teng Kok.

“We are looking for at least some 25 or more athletes na maisasama natin sa national pool para sanayin natin sa iba’t-ibang events na hindi natin nasasalihan in the past years,” sabi ni Juico na maagang naghahanda para sa paglahok ng bansa sa 28th Southeast Asian Games sa Singapore sa Hunyo 5 hanggang 16.

Matatandaang huling lumahok ang athletics team sa Myanmar SEA Games kung nagwagi sina Edgardo Alejan Jr., Archand Christian Bagsit, Isidro Del Prado Jr., Julius Nierras Jr., Jesson Ramil Cid, Eric Shauwn Cray, Henry Dagmil, Mervin Guarte at Arniel Ferreira.