Ipinagpaliban ng Olongapo City Regional Trial Court (RTC) ang pagbasa ng sakdal kay US Marine LCpl. Joseph Scott Pemberto sa Enero 5, 2015 matapos maghain ng petisyon ang kampo ng akusado upang ibasura ang mga kasong inihain sa kanya kaugnay ng pagpatay sa Pinoy transgender na si Jeffrey “Jennifer” Laude.

Dininig ng sala ni Olongapo City RTC Judge Roline Ginez-Jabalde ang apat na mosyon na inihain ng dalawang kampo, kabilang ang suspensiyon ng arraignment ni Pemberton.

Ayon kay Atty. Harry Roque, abogado ng pamilya Laude, nagbabanggaan ang dalawang kampo sa kani-kanilang mosyon na may kaugnayan sa usapin ng kostudiya ni Pemberton at kung papayagan ang media coverage.

Iginiit ni Roque na karapatan ng publiko na malaman ang mga kaganapan sa pagdinig sa kaso, tulad ng live coverage sa Maguindanao massacre case, na nililitis ang ilang miyembro ng maimpluwensiyang pamilya Ampatuan.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nakasaad din sa mosyon na inihain ni Roque na ilipat si Pemberton sa regular na piitan dahil ang sundalong Amerikano ay nananatili sa kustodiya ng Amerika kahit pa nahaharap ito sa reklamong pagpatay sa Olongapo RTC.

Matatandaang ibinasura ng Washington ang opisyal na kahilingan ng Malacañang na ilipat ang kostudiya ni Pemberton sa Pilipinas base sa umiiral na PH-US Visiting Forces Agreement (VFA). - Jonas Reyes