Pinaalalahanan ng United States Embassy sa Maynila ang schedule ng operasyon nito ngayong holiday season.
“The Embassy of the United States in Manila and its affiliated offices will be closed to the public on Thursday, December 25, in observance of Christmas Day, and on Friday, December 26, in observance of a special non-working holiday,” saad sa pahayag ng embahada.
Isasara rin ang embahada sa Disyembre 30 kaugnay ng paggunita sa Araw ni Rizal, at sa Disyembre 31, ang huling araw ng 2014, na idineklarang special non-working day.
Sarado rin ang US Embassy sa Enero 1-2, 2015, na ideneklara ring special non-working day.
“The Embassy and its affiliated offices will resume their regular services on Monday, January 5, 2015,” saad pa sa pahayag.
Samantala, sinabi ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Herminio Coloma Jr. na hindi pa nakapagdedesisyon ang Malacañang kung idedeklara ang Enero 15-19 bilang holiday upang maibsan ang inaasahang pagsisikip ng trapiko sa pagbisita ni Pope Francis sa Maynila.
Habang ikinokonsidera ng gobyerno ang panukalang magdeklara ng holiday sa pagbisita ng Papa, sinabi ni Coloma na pinakikinggan din ng Malacañang ang pagtutol ng ilang negosyante dahil may negatibong epekto ito sa kalakalan.
Kabilang sa mga nagsusulong sa panukalang ideklarang holiday ang Enero 15-19 ay ang mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila dahil sa inaasahang pagsisikip ng trapiko at pagdagsa ng mga taga-probinsiya na nais masilayan si Pope Francis. - JC Bello Ruiz