Hindi pabor ang Pinag-Isang Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) sa petisyon ng kapwa transport group na Pasang Masda na ibaba sa P7 ang minimum na pasahe sa jeepney.
Ayon kay George San Mateo, presidente ng PISTON, kailangan munang ibaba ang halaga ng mga pangunahing bilihin at serbisyo kasabay ng tuluy-tuloy na pagbaba ng presyo ng langis sa bansa.
“Subalit hanggang ngayon ay mataas at tumataas pa ito lalo,” sabi ni San Mateo tungkol sa nananatiling mataas na presyo ng bilihin.
Iginiit ni San Mateo na dapat na magpatupad ang gobyerno ng makabuluhang rollback sa presyo ng pangunahing bilihin at serbisyo bago ang anumang rollback sa pasahe sa jeep.
Sa puntong ito, aniya, tiyak na mabubuhay pa rin nang maayos ng mahihirap na jeepney driver ang kani-kanilang pamilya.
Samantala, binatikos ng PISTON ang nakaambang pagtaas sa singil sa tubig ng Maynilad at Manila Water simula sa Enero 2015, gayundin ang fare hike sa Metro Rail Transit (MRT) at Light Rail Transit (LRT).
Nagpatutsada naman si San Mateo, sinabing doble-kara ang gobyerno at mistulang pinagdidiskitahan lagi ang pasahe sa jeep, pero kasabay nito ay itinaas naman ang singil sa tubig at sa pasahe sa MRT at LRT.