Ni ELLAiNE DOROTHY S. CAL

Upang isulong at pagyamanin ang wikang Filipino, nagsagawa ang Komisyon ng Wikang Filipino (KWF) ng patimpalak na “Uswag Darepdep” na layuning mangalap ng pinakamahuhusay na akdang pampanitikan mula sa iba’t ibang rehiyon sa bansa.

Naniniwala ang KWF na isa ang patimpalak sa mga paraan upang papagyabungin ang panitikan sa bansa sa tulong ng kabataang manunulat.

Naniniwala rin ang KWF na isa itong paghamon sa kabataan para mahasa ang kanilang pag-iisip, mabuhos ang nilalaman ng kanilang puso at mapalawak ang kanilang imahinasyon. Sa gayon, wala nang makahahadlang sa pagkakaisa ng Pilipinas at hindi na rin magiging balakid ang magkakaibang diyalekto.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Inumpisahan noong Agosto 1, 2014 ang pagtanggap ng entries ng maikling kuwento at tula sa iba’t ibang diyalektong Filipino, kabilang ang Ilokano, Bikol, Cebuano at Maranao, at magtatapos ito hanggang sa Marso 2, 2015.

Nasa edad 12-17 lang ang maaaring lumahok.

Tatanggap ng P10,000 ang tatanghaling kampeon at hindi naman uuwing luhaan ang iba pang kalahok, dahil may nakalaan na P5,000 para sa ikalawang gantimpala at P3,000 sa ikatlong gantimpala.

Sa mga nais sumali, ipadala lang ang entry sa Watson Building sa Kalye JP Laurel, San Miguel, Manila.

Ang “uswag” ay salitang Cebuano na ang ibig sabihin ay sulong habang ang “darepdep” ay salitang Ilokano na ang kahulugan ay haraya.