Ni MIKE U. CRISMUNDO
BUTUAN CITY – Apat na magkakaanak, isa sa kanila ay kakakasal lang, ang nakuryente at agad na namatay sa Kilometer 3, Barangay Baan sa lungsod na ito noong Linggo ng hapon.
Nasawi sina Azusena Tan, retiradong kawani ng gobyerno at ina ng isa sa mga nasawi; PO1 Bryan Glenn Tan, ng Sibagat, Agusan del Sur; Aileen Pamela Tan-Tiu, isang registered nurse na kakakasal lang noong nakaraang linggo; at Junrey Tiu, seaman, kapwa ng Bgy. Baan.
Ayon sa paunang imbestigasyon ng Metro Butuan City Police Office (BCPO), pawang nakuryente ang mga biktima at pinaniniwalaang dahil ito sa aksidenteng pagkakakonekta ni Azucena ng kanyang sampayan ng damit sa isang kawad ng kuryente.
Nang makita ang insidente, agad na sumaklolo sina Bryan, Aileen at Junrey upang iligtas ang kanilang ina ngunit lahat sila ay nakuryente.
“Nagtinabangay sila nga maluwas apan nakutlo-an gihapon sila sa ilang kinabuhi (Tinangka nilang iligtas ang isa’t isa pero nabigo sila at namatay pa lahat),” sabi ni Evelyn, 27, asawa ni Bryan, na nakasaksi sa insidente.
Nagawa pa ni Evelyn na hilahin ang asawa mula sa sampayan at agad na isinugod ito sa ospital pero namatay din si Bryan.
Nangyari ang insidente dakong 2:00 ng hapon nitong Linggo.