DAVAO CITY – Nilagdaan noong Linggo ni Mayor Rodrigo Duterte ang isang dokumento na sumasaksi sa pagpapalaya sa dalawang sundalo na dinukot ng New People’s Army (NPA) sa pagsalakay ng kilusan sa New Corella, Davao del Norte nitong Disyembre 2, 2014.
Ang pagpapalaya sa dalawang sundalo ay ginawa sa hindi ibinunyag na lugar sa Montevista, Compostela Valley at sinaksihan din ng mga kinatawan ng Exodus for Justice and Peace (EJP) at ng mga mamamahayag.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Duterte sa NPA: “Tinanong ko ang gobyerno kung bakit naudlot ang peace talks.”
Tinukoy ni Duterte ang naudlot na negosasyong pangkapayapaan ng gobyerno at ng National Democratic Front (NDF).
“Kung kakandidato lang ako, tatapusin ko ang peace talks at wawakasan ang giyera,” sabi ni Duterte.
Mistulang kabuteng nagsusulputan sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang mga grupong nagsusulong na kumandidatong pangulo si Duterte sa 2016, pero patuloy na naninindigan ang alkalde na hindi siya kakandidatong presidente.
Gayunman, madalas namang nagpapahaging si Duterte sa kung anu-ano ang kanyang gagawin kung maluklok siya sa pinakamataas na puwesto sa bansa.
Una nang sinabi ng alkalde na magtatatag siya ng isang gobyernong rebolusyonaryo at bubuwagin ang Kongreso, lilinisin ang pulisya at militar, bubuo ng federal system ng gobyerno at makikipag-alyansa sa mga rebelde, kabilang ang NDF at NPA.
Muli itong binanggit ni Duterte nitong Linggo sa harap ng mga rebelde sa Monkayo.
“Ang akong offer og ugaling lang modagan ko, mag-coalition government ta (Ang alok ko, sakali man na kumandidato ako, magkaroon tayo ng coalition government),” ani Duterte.
Sinabi pa ni Duterte na si Jose Maria Sison, political consultant ng NDF, ay naging propesor niya sa kolehiyo.
Wala namang opisyal na pahayag ang NDF kaugnay ng nasabing alok ni Duterte, partikular ang pagtatatag ng isang coalition government. - Alexander D. Lopez