Nina MARY ANN SANTIAGO at JUN FABON
Sinelyuhan na kahapon ng mga pulis ang nguso ng kanilang mga baril bilang simbolo ng kanilang pangako sa publiko laban sa indiscriminate firing sa pagsalubong sa Taong 2015.
Sa nakalipas, ilang ligaw na bala ang naging dahilan ng pagkasugat o pagkamatay ng ilang katao dahil sa ilang tiwaling indibidwal na nagpaputok ng baril sa ere upang ipagdiwang ang Pasko at salubungin ang Bagong Taon.
Sa lungsod ng Maynila, pinangunahan ni Manila Police District Director P/Sr. Supt. Rolando Nana ang pagseselyo sa service firearms ng mga pulis kasabay ang babala sa sinumang pulis na mahuhuling nagpaputok ng baril nang walang pahintulot ay mahaharap sa kasong kriminal at administratibo.
Sa Quezon City, ganap na 7:30 ng umaga senelyuhan ang baril ng lahat ng mga pulis ng Quezon City Police District sa isang simpleng seremonya na pinangunahan ni Director Chief Supt. Joel D. Pagdilao sa grandstand sa Camp Karingal.
Sa record ng Department of Health (DOH), umaabot sa 19 katao ang nasugatan dahil sa ligaw na bala sa pagsalubong ng mga Pinoy sa 2014.