HABANG WALA PA Wala pang kahalili si Health secretary Enrique Ona sapagkat wala pang itinatalaga si Pangulong Aquino na hahawak ng renda ng Department of Health (DOH). Dahil dito, pansamantalang magiging acting secretary si Health Undersecretary Janette Garin. Kaugnay sa resignation ni Ona, sinabi ni Presidential spokesman Edwin Lacierda na hindi pa nila batid hanggang ngayon ang dahilan kung bakit tinanggap ng Pangulong Aquino ang resignation ni Ona na humaharap sa imbestigasyon kaugnay sa anomalya sa mga bakuna laban sa pneumonia. Gayong hindi rin naman batid ang nilalaman ng dahilan ng pagbibitiw ni Ona, marahil upang bigyan lamang ang mga kinauukulan ng kalayaan na gawin ang kanilang tungkulin sa pagsisiyasat sa kanya. Sa kabilang dako naman, si PNoy na mismo ang nakiusap sa publiko na sana huwag nang magpaputok sa pagpasok ng Bagong Taon. Wala naman kasing maidudulot na mabuti ang pagpapaputok. Ano ba ang mahihita sa pagpapaputok: Polusyon ng hangin, pagkasugat o pagkamatay ng mga tinamaan ng mga pampasabog, at laksang basura kinabukasan. Huwag na tayong dumagdag sa global warming.
***
FARE HIKE Napabalitang magtataas ng pamunuan ng MRT at LRT ng pasahe simula Enero 4. ang pinagtatakhan ko lang, daa-daang libo ang sumasakay sa naturang mass transportation oras-oras, araw-araw, nagkakaamuyan na nga ng anghit, baho ng hininga, at sari-saring amoy ng pabango dahil sa siksikan ang mga pasahero na halos mag-umapaw sa bawat bagon. Siguro, hindi ko lang alam ang mathematics ng pagtataas ng pasahe. kaya naman inuulan ngayon ng batikos at protesta ang mga awtoridad ng naturang mass transportation sytem. May nakapagsabi na hindi ito makatarungan para sa mga pasaherong gumagamit nito araw-araw gayong hindi naman tumataas ang sahod ng mga manggagawa. Gayunman, nagpahayag ang Transportation and Communications secretary Jun abaya na hindi raw mapipigilan ang dagdag-pasahe na matagal na ring pinapasan ng gobyerno ang operational costs lalo ang P12 bilyong subsidy kada taon. sabi niya matagaltagal na ring hindi nagtataas ng pasahe ang MRT at LRT as in taon na. Piso lang naman daw ang idadagdag. idudulog daw ang problemang ito sa supreme Court. Sana naman, alang-alang sa daan-daang libong pasahero ng naturang mass transportation, mauwi sa mabuti ang pasya ng SC.