Matapos ang 14 taon na paghihintay sa desisyon ng korte, sinintensiyahan na rin ng Manila Regional Trial Court (RTC) ang dalawang kidnapper na dumukot at pumatay sa isang kindergarten pupil at yaya niyo noong Oktubre 2000.
Pinatawan ni Judge Mona Lisa Tiongson-Tabora ng Manila RTC Branch 5 ng habambuhay na pagkabilanggo si Monico Santos at 15 taong pagkakakulong para sa pinsan nitong si Francis Canoza, kaugnay sa pagdukot at pagpatay kay Eunice Kay Chuang at kanyang yaya na si Jovita Montecino.
Lumabas ang desisyon matapos kanselahin ng anim na beses ang pagpapalabas ng desisyon sa kaso simula noong Oktubre 29, 2012.
Sa kabila ng kanilang mahabang paghihintay sa kahihinatnan ng kaso, ikinatuwa ni Emily Chuang, ina ni Eunic, ang ginawang pagpataw ng korte ng life sentence kay Santos bagamat una ring idinalangin nito na maibalik ang death penalty sa bansa bunsod ng pagkakapatay ng kanyang anak.
“Hindi rin maibabalik nito ang buhay ng aking anak,” pahayag ni Chuang sa panayam.
Itinuring naman ng Movement for Restoration of Peace and Order (MRPO) ang paglilitis ng kaso bilang isa sa pinakamatagal nilang inantabayan at sinuportahan ang mga biktima. (Jenny F. Manongdo)