HINDI mahulugang karayom ang dumagsa sa Ala Eh Festival na ginanap sa tapat ng makasaysayang simbahan ng Taal Batangas last December 18.
Dapat ay nu’ng Dec. 7 ang nasabing taunang festival pero dahil sa bagyong ‘Ruby’ ay naiatras ang taunang patimpalak na nagsimula nang maging gobernadora si Vilma Santos-Recto.
Kagaya ng mga nagdaang taon ay star-studded uli ang proyektong ito ni Ate Vi. Mula sa mga Kapusong sina Bea Binene, Mark Herras, Maxene Magalona at hanggang sa mga Kapamilyang sina Luis Manzano, Angel Locsin, Xian Lim, Jovit Baldovino, EJ Falcon at iba pa ay talagang tinitilian ang mga taga-Batangas.
Pero sa totoo lang, kung lakas ng tilian at palakpakan ang pagbabasehan ay walang dudang higit na mas maraming televiewers ang Dos kumpara sa Siyete.
Sa tuwing tinatawag ng emcee ang pangalan ng mga bisitang artista na taga-Dos nang gabing ‘yun ay laging nakakabingi ang reaksiyon ng crowd
Dahil napapuwesto kami sa malapit sa malaking speaker, halos mabasag ang eardrum namin nang isa-isang ipinakilala ni Ate Vi sina Angel Locsin, Rachel Alejandro, Xian Lim, Mark Herras, Basilio, Jovit Baldivino, Tirso Cruz III, Rey Valera, Jamie Rivera, at EJ Falcon.
Mga host naman nang gabing ‘yun sina Ai Ai delas Alas, Cesar Montano, Arnell Ignacio, Maxene Magalona at si Aga Muhlach.
Sobra-sobra ang pasasalamat ni Ate Vi sa lahat ng kaibigang taga-showbiz na hindi inalintana ang layo ng lugar na pinagdausan ng festival at dagdag pa ang sobrang trapik.
“Ito hong mga ito ay hindi nagpabayad. Itong mga ito ay nandidito upang makiisa sa atin at upang ipakita po na sila ay nakikiisa sa selebrasyon natin ng Ala Eh! Festival!” saad ni Gov. Vilma sa kanyang speech.
Dagdag pa ni Ate Vi, tunay talagang pinagpala ang probinsiya ng Batangas.
“God is good! Dumaan man ang bagyo sa Laiya, Batangas, wala namang masyadong casualty na idinulot ito. Kaya naman natuloy na ang VSE at sa December 22, ‘yung isa pang activity na parade ng mga karosa ang mangyayari,” sey pa ni Ate Vi.