Malaki ang naitulong ni Lolo Kiko, este Pope Francis, sa pagkalusaw ng Cold War na namagitan sa United States at Cuba sa loob ng mahigit na 50 taon. Siya ang nagsilbing "broker" o tagapamagitan sa hostile relations nina Uncle Sam at Fidel Castro. Maituturing ang Papa bilang isang tunay na Ama ng Kapayapaan, isang gabay sa pagkakasundo at pagkakaisa ng magkakaaway.

Sana ay magawa rin ito ni Pope Francis sa mga naglalabang bansa, paksiyon at ideolohiya sa Gitnang Silangan at Africa na binabagabag ngayon ng mararahas na patayan at pagpaslang ng mga kaanib ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) sa mga kaaway nito, at ng mga pagdukot ng Boko Haram sa mga dalagita at batang mag-aaral sa Nigeria!

Sa ngayon, balik na ang ugnayang-diplomatiko ng US at Cuba na noong panahon nina ex-Us Pres. John F. Kennedy at ex-Russian leader Nikita Khruschev ay muntik nang sumiklab ang giyerang pandaigdig dahil sa usapin sa Bay of Pigs. Ang nalusaw na iringan at labanan ng dalawang bansa ay tiyak na magbibigay ng kagalingan at kabutihan sa mga mamamayan ng US at Cuba.

Nangangahulugan din ito ng pag-aalis sa nakalulumpong trade embargo ni Uncle Sam sa bansa nina Fidel Castro at ng kanyang kapatid na si Raul na ngayon ay pangulo ng Cuba.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Maraming salamat sa iyong mabungang brokering sa pagitan ng Amerika at ng Cuba, Lolo Kiko. Umaasa kaming mga Pinoy na sa pagdalaw mo sa Pinas sa Enero 15-19, 2015, mabibigyan ng lakas ng loob ang mga biktima ni Yolanda, Ruby at iba pang bagyo para bumangong muli at patuloy na maniwala sa kabaitan, kadakilaan ng Diyos. Sana ay makatulong ka rin sa ganap na pagpawi sa New People's Army, Abu Sayyaf Group, Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), at iba pang grupong kriminal. Makatulong ka rin sana sa pagbabago ng mga pulitiko, senador, kongresista at mga pinunong-bayan na talikdan ang kasakiman.