Naniniwala ang isang mambabatas mula sa Masbate na ang isang big-time increase sa sahod ng mga doktor ng gobyerno ang magpapanatili sa mga ito sa pampublikong ospital sa Pilipinas sa halip na mangibang-bansa.

Isinusulong ni Masbate 3rd District Rep. Scott Davies Lanete ang House Bill 5263 na magtataas sa sahod ng mga doktor ng gobyerno sa Grade 27 o P62,670 mula sa kasalukuyang Grade 16 o P26,878.

Bilang isa ring doktor, hiniling ni Lanete sa panukala ang karagdagang P2,500 monthly allowance para sa mga medical practitioner bukod pa sa kanilang mga natatanggap sa kasalukuyan.

“Through the proposal, more medical professionals will be encouraged to work in government hospitals, Furthermore, the proposal aims to afford government doctors the right to decent pay and benefits, and provide an incentive to them for their service to the community,” pahayag ng kongresista.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ayon kay Lanete, ang mababang sahod ang pangunahing dahilan kung bakit tumatangging maglingkod sa mga pampublikong ospital ang mga doktor.

Sinabi pa ni Lanete, vice chairman ng House Committee on Poverty Alleviation at Committee on Public Order and Safety, na nais iangat ng kanyang panukala ang pamumuhay ng mga doktor ng gobyerno upang mapabuti ang kanilang serbisyo sa mamamayan.

Aniya, nakasaad sa Article 2, Section 15 ng 1986 Constitution: “The State shall protect and promote the right to health of the people and instill health consciousness among them.”

Kasalukuyang nakabimbin ang HB 5263 sa House Committee on Appropriations, na pinamumunuan ni Davao City Rep. Isidro Ungab. - Ellson A. Quismorio