Ang pinakamagagaling at pinakanagningning sa 2014 – sa pangunguna ng Athlete of the Year – ay muling bibida sa pagdaraos ng Philippine Sportswriters Association (PSA) ng Annual Awards Night nito sa Pebrero 16 ng susunod na taon.

Tatlong atleta sa iba’t ibang isports ang nasa maikling listahan ng mga kandidato para sa pinakamataas na pagkilala ng annual awards handog ng Milo. Sila ay sina Daniel Caluag ng cycling, Donnie Nietes ng professional boxing at Gabriel Moreno ng archery.

Napanalunan ni Caluag ang nag-iisang gintong medalya ng PIlipinas sa BMX event ng cycling sa Incheon 17th Asian Games noong Oktubre, isang pagkakataong sumalba sa nakadidismayang pagpapakita ng bansa sa Olympics of Asia.

Samantala, napipintong malampasan ni Nietes ang rekord na naitala ng yumaong Gabriel “Flash” Elorde bilang longest reigning Filipino world champion sa kanyang pagiging undefeated sa huling pitong taon sa kanyang paghahari bilang minimumweight at light-flyweight champion, ayon sa pagkakasunod.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Si Moreno, sa kabilang dako, ay nasungkit ang ginto sa mixed team event ng archery sa Youth Olympic Games sa pakikipagtambal nit okay Li Jiaman ng China. Siya ang unang Pilipino na nanalo ng gold sa nasabing torneo.

Magbibigay din ng major awards at citations sa mga atleta at organisasyon na nagbigay ng karangalan sa bansa sa papatapos na taon.

Ang PSA, ang pinakamatandang media organization sa bansa na ipagdiriwang ang ika-66 sa 2015, ay igagawad din ang President’s Award gayundin ang Executive of the Year, National Sports Association of the Year, the Tony Siddayao Awards para sa mga atletang edad 17 pababa, Lifetime Achievement Award, Sports Patron of the Year, Posthumous, at Milo Outstanding Athletes (boys and girls).