Mga laro ngayon (Marikina Sports Complex):
10am -- Wangs Basketball vs. MJM – Builders
12pm -- Hapee vs. MP Hotel
2pm -- Cagayan Valley vs. Racal Motors
Makapag-uwi ng panalo na mas makapagpapasaya ng kanilang pagdiriwang ngayong darating na Pasko ang hangad ng anim na koponang nakatakdang sumabak ngayon sa huling araw bago ang holiday break ng 2015 PBA D-League Aspirants Cup sa Marikina Sports Complex sa Marikina City.
Unang magtutuos para sa pambungad na laro ganap na ika-10 ng umaga ang Wangs Basketball at MJM Builders na susundan ng Oredotapatan ng namumunong Hapee Toothpaste at ng nasa buntot na MP Hotel Warriors sa ika-12 ng tanghali bago ang tampok na laro sa pagitan ng Cagayan Valley at Racal Motors sa ika-2 ng hapon.
Kapwa wala pang talo, itataya ng Fresh Fighters at ng Rising Suns ang kanilang pagkakaupo sa ibabaw at ikalawang puwesto ng team standings taglay ang barahang 7-0 at 6-0, panalo-talo, ayon sa pagkakasunod.
Halos magkakasunod naman sa ilalim ng standings, magkukumahog na umangat bago matapos ang taon ng tatlong koponang wangs, MJM Builders at Racal Motors.
Kasalukuyang magkasalo sa buntot ng team standings hawak ang barahang 1-6, magtatangka ang Builders at ang warriors na makamit ang ikalawang tagumpay upang patuloy na buhayin ang tsansa nilang makahabol pa sa susunod na round.
Sa panig naman ng Wangs Basketball, hangad nitong makamit ang ikatlong tagumpay sa pitong laban para umangat din sa ikapitong posisyon kasunod ng Tanduay Light na nasa solong ika-anim na posisyon sa patas na barahang 4-4.
“We want to end the year with a win. Siyempre gusto na rin ng mga batang makapagbakasyon at makaphinga kahit paano kasi halos wala silang pahinga lalo na yung mga San Beda boys,” pahayag ni Hapee coach Ronnie Magsanoc na gaya ng Rising Suns ay pinapaboran kontra sa kanilang mga kalaban.