IKINUWENTO ni Coco Martin na nahirapan siya sa shooting ng Feng Shui 2, ang MMFF entry nila ni Kris Aquino na mapapanood na simula December 25.
“Mahirap siya kasi, like ako, first time kong gagawa ng horror movie, nakaka-challenge dahil unang-una direktor ko dito si Chito Roño, hindi ka pupuwedeng hindi ko alam ang trabaho at hindi mo kaya ‘yung eksena,” bungad ni Coco.
Hindi rin kasi kaila sa industriya na hindi basta-basta humahawak nang pipitsuging artista ang magaling na direktor. Kaya nga ang sabi ni Direk Chito, perfect para sa kanya ang kombinasyong Kris-Coco sa FS2.
Dahil din kay Direk Chito, kinilala si Kris bilang horror queen nang magsunud-sunod ang kanilang horror box-office hits. Kaya pinaghandaan ni Coco nang husto nang malaman niya na magkakasama sila ni Kris sa project na ito.
Habang gumigiling ang kamera, pinag-aralan daw niya ang bawat eksena nila ni Kris at kung paano ito mag-emote at kung paano rin siya makakasabay sa mga eksenang malayo sa kanyang forte, ang drama. Aminado naman ang aktor na natuto siya sa mga eksena, kung paano mapaniwala ang mga tao na nakakatakot ang mga eksena nila ni Kris.
“Nakakatuwa kasi malaking tulong sa akin si Ate Kris, sabi ko nga bago sa akin ang genre na ‘to. Kumbaga kumapit ako sa kanya, nakakuha ako ng style. Pinapanood ko siya kung paano ba gumawa ng horror movie, the way na kung paano ba umarte, and then ‘yun, nakakatuwa kasi maganda ‘yung kinalabasan ng pelikula,” kuwento pa ni Coco.
“Mahirap kasi. Sabi kasi ni Direk Chito, ngayon lang siya nakapagdirek ng lalaki sa isang horror film, na kumbaga isa sa mga bida. Siyempre, ang pangit din naman na nakikita ako ng mga tao na sumisigaw-sigaw bilang lalaki. Pero (kung) paano ko na-achieve at mapaniwala ang mga tao na nakakatakot ang mga nangyayari sa paligid ko? Kung paano ko sila mapapaniwala na nakakatakot ‘yung mga pangyayari, ito’y dahil kay Ate Kris. Kumbaga, as an actor medyo mahirap siya at challenging. Pero, nagawa naman natin siya nang maayos,” ani Coco.
Isa sa maraming celebrities na sinuwerte ngayong 2014 si Coco. Bukod sa pagiging top endorser, naging top-rating ang teleserye niyang Ikaw Lamang, na nagbigay sa kanya ng Best Actor trophy sa PMPC Star Awards for TV nitong nakaraang November.
“Marami, sobrang blessed talaga,” masaya niyang sabi, at idinugtong na lahat ng tagumpay na dumarating sa kanyang buhay ay bunga ng kanyang mga pagsisikap.
Hindi siya umaasa sa suwerte.
“Kung anuman ‘yung mga blessings, lahat ay pinaghihirapan. Hindi ka lang dapat umasa sa suwerte, dapat pinagsusumikapan,” sey pa ni Coco.