Sa halip na isang masayang salu-salo, naging isang bangungot para sa isang 10-anyos na babae ang masaksihan ang pagpatay sa kanyang ama habang naghahapunan sila sa Tondo, Maynila nitong Sabado ng gabi.
Nagpahayag ng paniniwala ang mga rumespondeng pulis na posibleng may kinalaman sa droga ang pagpatay kay Feliciano Allita, 42, sa kanyang barung-barong sa Road 10, Matiisin Street, Tondo dakong 6:00 ng gabi noong Sabado.
Ayon sa imbestigasyon, naghahapunan si Allita kasama ang kanyang pamilya nang biglang sumulpot ang salarin at pinagbabaril nang malapitan ang biktima.
Nang bumagsak sa sahig matapos barilin sa kaliwang bahagi ng mukha, muling pinaputukan ng gunman si Allita sa kaliwang bahagi ng katawan bago tuluyang tumakas.
Isinugod ang biktima ng kanyang kapatid na babae sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center, pero dead on arrival ito.
“Mukhang binalikan sila, kasi allegedly nagbebenta sila ng shabu. Hindi yata sila nakapagbayad dun sa mga inangkat nilang droga,” anang imbestigador.
“Alam naman yata nila kung ano talaga ‘yung dahilan nung pagbaril kaya tahimik na lang sila at parang ayaw na rin nilang ituloy ‘yung kaso,” dagdag niya. - Rachel Joyce E. Burce