Ni Leslie Ann G. Aquino
Hindi na ikinagulat ng isang opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang ulat na nagsabing 20 porsiyento ng 74 milyong Katoliko sa bansa ay hindi na regular na dumadalo sa misa.
Dahil dito, binansagan ni Fr. Edu Gariguez, executive secretary ng CBCP National Secretariat for Social Action, ang mga hindi regular na dumadalo ng misa bilang mga “seasonal Catholic.”
“Itong mga seasonal Catholic ay pumupunta lamang sa simbahan kung may okasyon, tulad ng Pasko o Semana Santa,” pahayag ni Gariguez.
Ginawang halimbawa ng pari ang siyam na araw na Simbang Gabi.
“Maraming dumadalo sa Simbang Gabi. Sa aming Simbahan sa Tondo, Maynila, puno lagi ang mga misa.
Gayundin tuwing Semana Santa,” paliwanag ni Gariguez.
Aniya, hindi naman siya nababahala sa naturang ulat dahil ang pagkarelihiyoso ng isang tao ay hindi masusukat sa regular na pagtungo sa simbahan.
Bagamat naniniwala siya sa ulat, binigyang diin ni Gariguez na hindi ito dapat maging sukatan ng pagkarelihiyoso ng isang Katoliko.
Aminado rin ang pari na mayroon siyang mga kaibigan na hindi regular na nagpupunta sa simbahan upang dumalo sa misa subalit may sariling paraan ng pakikipag-usap at pagdadasal sa Panginoon.
“Maganda kung talagang regular kang pumupunta sa simbahan, ngunit hindi awtomatikong maituturing ka nang isang mabait na Katoliko, lalo na kung hindi nasasalamin ang iyong pananampalataya sa iyong buhay,” pahayag ni Gariguez.
Ang pahayag ng opisyal ng CBCP ay base sa ulat ng National Statistics Office (NSO) na nagsabing 20 porsiyento lang ng 74 milyong Pinoy ang nagsabing sila ay “Katoliko” subalit hindi regular na nagsisimba.