LEGAZPI CITY — Iginawad ng Department of Tourism (DOT) kay Albay Gov. Joey Salceda kamakailan ang una nitong Tourism Star Philippines Award bilang pagkilala sa kanyang “exemplary contribution to the Philippine Tourism Industry”.

Ang parangal ang huli sa sunudsunod na pagkilalang tinanggap ni Salceda kamakailan lang, kasama na ang Outstanding Ateneo Alumni Award, The Outstanding Filipino Leadership Award ng JCI Senate Philippines, at Civil Service Most Outstanding Public Servant Award.

Ang DOT Tourism Star Philippines Award ay ipinagkakaloob sa mga indibiduwal o institusyon na malaki ang naiambag sa pagpapasulong ng turismo ng bansa. Kinikilala si Salceda bilang isa sa mga aktibo at mabisang promoter ng turismo ng Pilipinas dahil sa malilikhaing programa na inilunsad niya na umaakit ng maraming turista sa bansa, lalo na sa Albay.

Ngayon nga ay itinuturing ang Albay na pinakapatok na destino ng mga turista, sa kabila ng paulit-ulit na pagkakalugmok nito dahil sa malakas na bagyo. Mula sa 8,700 dayuhang turista noong 2007, lumobo ito sa 339,445 noong 2013.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Kasama sa mga isinagawa niyang programa ang pagkakatatag ng Albay International Gateway mula sa Legazpi Domestic Airport na ginawang international tourism airport para sa chartered flights ng mga turista mula sa China at ibang bansa. Sa ilalim ng kanyang pangkalikasang programa, napalawak ng 88 porsiyento ang kahuyang kagubatan ng Albay na bumuhay naman sa mga sapa, ilog at talon nito. Napalawak din ng apat na beses sa 1,700 ang mangrove forest ng lalawigan at sa pamamagitan ng mga ordinansa, ipinagbawal na ang paninigarilyo, plastic bags at pagmimina sa lalawigan.