Agad na umapaw ang nagparehistro sa isasagawang Zumba Marathon na inorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC) Laro’t-Saya, PLAY N’LEARN sa Aguinaldo Shrine sa Kawit, Cavite sa Disyembre 27 at Burnham Green sa Luneta sa Disyembre 28.
Sinabi ni PSC Research and Planning head at Laro’t-Saya Project Manager Dr. Larry Domingo Jr. na agad nilang nilimitahan sa kabuuang 300 katao lamang ang makakasali sa Kawit Zumbathon matapos dumagsa ang nagpalista habang hanggang 500 naman para sa Luneta.
“We considered the safety of the participants, pati na rin iyong place na pagsasagawaan,” sinabi ni Domingo.
“Ngayon pa lang natin binuksan ang registration for Zumbathon sa Kawit pero we are almost near the limit.”
Itinakda ang dalawang kategorya sa 18-40 years old at 41-55 years na may mapapanalunang magkakaibang premyo ang top 5. May iuuwing premyo rin ang mapipili sa special awards na Best in Costume at Wackiest Dancer maliban pa sa magbibigay ng 50 raffle prizes.
Samantala, sisimulan na rin ngayong umaga ang PSC Laro’t-Saya, PLAY N’LEARN sa ika-11 kasaling probinsiya sa San Carlos City sa Negros Occidental na dadaluhan mismo ni PSC Chairman Richie Garcia at City Mayor Gerardo Valmayor.
Sa kabilang dako, kabuuang 269 katao ang nakisaya sa itinuturong mga sports sa Aguinaldo Freedom Park, partikular ang zumba (185), badminton (27), volleyball (45) at taekwondo (12).
Mayroon namang 250 katao ang dumagsa sa Quezon City Circle kung saan ay 4 sa arnis, 16 sa badminton, 19 sa football, 6 sa karatedo, 18 sa volleyball at 188 sa zumba ang sumabak.