Gaganapin ngayon ang ikalawang yugto ng Roadbike Philippines–Seven Eleven Road Race Series sa Tarlac sa pakikiisa ng LBC Ronda Pilipinas 2015.
Orihinal na nakatakda sanang idaos sa Manila, ang karera na magsisilbi ring qualifying race para sa local riders na sasabak sa darating na LBC Ronda Pilipinas 2015 ay binubuo ng tatlong kategorya na kinabibilangan ng Execuitve sports class, junior class at ang elite at under 23 class.
Idaraos sa pakikipagtulungan ng pamahalaang panlalawigan ng Tarlac, sa pamumuno nina Governor Victor Yap, dating national archer at ngayo’y Tarlac vice governor Kit Cojuangco, Tarlac City Mayor Gelacio Manalang, San Jose, Tarlac Mayor Jose Yap Jr., inaasahang lalahok sa naturang karera ang karamihan sa mga kasalukuyang elite riders at nangungunang youth riders ng bansa bilang paghahanda nila sa darating na ika-5 edisyon ng Ronda Pilipinas.
Papadyak ang executive sports class sa kabuuang distansiyang 75 kilometro, 95 kilometro naman para sa juniors at 152 kilometro naman sa elite at under 23.
Ang lahat ng karera ay magsisimula at magtatapos sa mismong plaza sa likuran ng kapitolyo na matatagpuan sa Champaca St. sa Barangay San Vicente.
Bukod sa mga lokal na opisyal ng lalawigan, katuwang din sa pagdaraos ng pre-Christmas race na ito sina Philippine Seven president Vic Paterno, Roadbike Philippines president Engineer Bong Sual, ang pamunuan ng PhilCycling at iba pang mga tagapagtaguyod na kinabibilangan ng Air Asia, Selecta, Gatorade, Powerade, Pocari Sweat, Nature Spring. Excellent Noodles, Shimano at MB Cruz Signs and tarps.