Umaasa si Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Richie Garcia na bago matapos ang 2015 ay nakatayo na ang kinakailangang bagong training center sa Clark Field sa Pampanga.

Ito ay dahil umuusad na ang suportang ibinibigay ng Kongreso para maitakda ang batas na naglalayong bigyan ng nararapat na pondo ang pinaplanong pagpapatayo ng bagong pasilidad na maglilipat sa national athletes sa kanilang pagsasanay mula sa lumang Rizal Memorial Sports Complex.

“Medyo magulo kasi ang direksiyon kung aasa tayo sa posibilidad na ibenta ang Rizal. But with a new law, we have a good chance to look for private funding para maipatayo agad ang modernong training center,” sabi ni Garcia. Isang batas ang agad binuo ng House Committee on Youth and Sports sa liderato ni Davao Del Sur Congressman Anthony del Rosario kasama si Rep. Yeng Guiao ng Pampanga matapos na ibinigay ng PSC ang kanilang plano para sa paglipat sa dating Clark Airfield.

Sinang-ayunan naman ito ng komite at tinanggap ang plano para sa kapakanan ng pambansang atleta.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“The bill will take more than a year but in the absence of a bill, if this is approved by Congress, magkakaroon na ito ng budget which is the root of our problem that is why we can’t transfer immediately,” paliwanag ni Garcia.

Kinakailangan ng PSC ang halagang P3.5 bilyon para maimplementahan ang plano sa pag-okupa sa 50-ektaryang lupain na nasa pamamahala ng Clark Airport Authority na maipahihiram sa Komisyon sa loob ng mahabang taon sa halagang piso kada taon.

Ipinaliwanag ni Garcia na kung matitipon agad ang pondo, anim hanggang pitong buwan lamang ang kakailanganin at maiaalis na ang mga atleta sa RMSC.

“Sobrang luma na bukod sa sobra pa ang polusyon na makakasama sa kalusugan ng ating mga atleta. Once we get the funds, the transfer will take six to seven months. It’s not a long process because a lot of structures you can just assemble it. We can build a gym in 50 days,” giit pa ni Garcia.

Umaasa si Garcia na bago sumabak ang Pilipinas sa 2016 Rio De Janeiro Olympics sa Brazil ay nakapokus at sama-sama nang magsasanay ang pambansang atleta.

Matatandaan na huling isinalba ng BMX rider na si Daniel Caluag ang kampanya ng bansa sa Incheon matapos iuwi ang gintong medalya para idagdag sa napanalunan ng iba nitong kasamahan na tatlong pilak at 11 tanso.