Umapela ng dasal kahapon si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino sa publiko para sa agarang paggaling ng isang traffic constable na ngayon ay kritikal matapos makaladkad ng isang Asian Utility Vehicle (AUV) habang nagmamando ng trapik sa Cubao, Quezon City noong Biyernes ng umaga.

Ayon kay Tolentino nananatili sa kritikal na kondisyon ang traffic constable na si Sonny Acosta sa intensive care unit ng Saint Luke’s Medical Center sa lungsod ng Quezon sanhi ng pamumuo ng dugo sa ilalim ng utak.

Inihayag ng opisyal na sinita ni Acosta ang Isuzu Sportivo (AABA 197) na pag-aari ni Dante F. Borguete, residente ng Guillermo Village San Miguel sa Bulacan, dahil wala sa tamang linya ang sasakyan.

Ipinasok ni Acosta ang kamay nito sa loob ng Sportivo upang hingin ang lisensiya ni Borguete subalit bigla umanong isinara ang bintana bago pinasibad ang sasakyan dahilan upang makaladkad ng ilang metro saka humampas ang ulo ng traffic constable sa ilalim ng nasabing sasakyan.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Ibinalita ni Tolentino na naaresto ng mga tauhan ng Bulacan Police si Borguete at nakadetine ngayon sa Camp Karingal.

Nangako naman ng pinansiyal na tulong si Tolentino sa pamilya Acosta.