ISANG katotohanan sa buhay sa mundo na ang malakas at makapangyarihang bansa ay daigdaigan ang isang mahina at pipitsuging nasyon. Ito ngayon ang nararanasan ng Pilipinas na pumasok sa kasunduan sa United States sa pamamagitan ng Visiting Forces agreement. Ayon sa ulat, inisyuhan na ng hukuman ng warrant of arrest si US Marine Pfc. Joseph Scott Pemberton dahil sa pagpatay kay Jeffrey Laude, alyas Jennifer, sa Olongapo City kamakailan, pero tumatanggi si Uncle Sam na isailalim sa kustodiya ng Pilipinas ang akusadong Kano. Batay sa kasunduan ng dalawang bansa, kapag ang akusado ay inisyuhan na ng arrest warrant ng hukuman sa Pilipinas, ito ay dapat isailalim sa pangangalaga ng host country at ilalagay sa ordinaryong kulungan.
Gayunman, nagmatigas ang US nang sabihin ni ambassador Philip Goldberg na ang paninindigan nilang manatili sa kanilang kustodiya si Pemberton ay alinsunod sa mga probisyon ng VFa. ibig sabihin, hanggang hindi natatapos ang paglilitis, mananatili sa kanilang poder ang US Marine gayong isinasaad sa agreement na dapat mapasailalim ang akusado kapag naisyuhan na ng warrant of arrest. Nagpahayag ng kalungkutan ang Department of Foreign affairs (DFa) sa pahayag ni Goldberg at nangakong ipagpapatuloy ang paghimok sa US na maging tapat sa mga obligasyon at pananagutan nito sa ilalim ng VFa upang bigyang-hustisya ang biktima.
Maging sa personal na pamumuhay, ganyan din ang nangyayari. ang isang mayaman at maimpluwensiyang indibidwal ay kayang-kayang duruin at abusuhin ang isang mahirap at mahinang tao. Di ba maging sa new Bilibid Prisons (nBP) ay nagbubuhayhari ang mga drug lord at matataas na opisyal ng gobyerno na nakakulong dahil sa iba’t ibang uri ng krimen?
Huwag na tayong lumayo. ang dambuhalang China na kung ilang dantaon nating kaibigan at karelasyon sa kalakalan ay dinuduro ngayon ang Pilipinas dahil alam nitong mahina ang ating sandatahan lakas - pupugakpugak ang mga sasakyang-dagat, ang mga eroplano ay puro “air” lang at walang “force” samantalang ang hukbong katihan ay may mga armas at tangke na panahon pa yata ni Mahoma binili!