HINDI nakapagtataka kung bakit nang unang i-submit sa MTRCB ang trailer ng pelikulang Tragic Theater ay X-rated agad ito. Naging maingat si Direk Tikoy Aguiluz nang gumawa ng pangalawang trailer kaya pumasa. Kaya maipalalabas na ito sa wakas.
“Kahit ako, hindi rin nagtaka sa naging aksiyon ng MTRCB,” kuwento ng tanging babaeng bida ng pelikula na si Andi Eigenmann. “Kahit ang mga kasama ko sa pelikula na sina Christopher de Leon at John Estrada ay nagkibit-balikat na lang dahil pinayagan itong isapelikula, pero hindi puwedeng banggitin kung ano’ng tunay na pangyayaring naganap na pinag-usapan at kakila-kilabot na napatunayang totoong nangyari ilang taon na rin ang nakaraan.”
Tiyak na babalik sa alaala ng lahat kung anong trahedya itong tinatalakay sa Tragic Theater. Maging mga kasama natin sa panulat ay binanggit na naroon sila sa mismong lugar na pinangyarihan ng trahedya na may kinalaman sa industriyang ating pinakamamahal.
May tanong na sasagutin ang bagong pelikulang ito ng Viva Films. Minsan pang mapapatunayan na ang katapangan ng movie outfit na ito sa pagsisiwalat ng mga pangyayari.
Noong unang bahagi ng dekada ‘80, nauwi sa malagim na aksidente ang madaliang paggawa sa isang sinehan. Bumagsak ang scaffolding sa mataas na bahagi ng itinatayong gusali at natabunan ang mga trabahador na nagtatrabaho. Ayon sa ulat sa isang pahayagan, pito lamang ang namatay sa aksidente at ang mga ito ay nabigyan ng marangal na libing.
Pero ayon sa kuwento ng mga nakasaksi, na siyang pinaniniwalaan ng marami, ang totoong bilang ng mga nasawi ay tinatayang aabot sa 150 hanggang 168 katao. Ang mas kahindik-hindik na kuwento, marami raw sa mga trabahador ay buhay pa ngunit hindi makawala sa pagkakaipit sa nagbagsakang bakal. Pero sa halip na saklolohan, iniutos daw ng isang mataas na opisyal na buhusan na lamang sila ng semento upang hindi maantala
ang konstruksiyon ng gusali.
Ang pangyayaring ito ay sinundan ng iba’t ibang kuwentong kababalaghan. May mga nagsasabing nakarinig sila ng mga iyak at sigaw kahit wala namang ibang tao sa loob at paligid ng gusali. Meron ding kuwento ng aparisyon. Isang dokumentaryo rin ang nagsasabing nadiskubre nila na sa isang bahagi ng dingding ng gusali ay nakasulat ang ilang kaganapan tungkol sa trahedya. At kahit marami nang spirit questors ang sumubok, wala pa ring nakapagpaalis sa mga galit na kaluluwang naninirahan sa loob ng sinehan.
Dito nagsisimula ang kuwento ng Tragic Theater.
Mapapanood sa kuwento sa pelikula ang workaholic at ambisyosang si Anne Marie Francisco (Andi Eigenmann) mula sa Department of Tourism na inatasang siguraduhin na wala nang kaluluwang namamahay sa gusali upang matuloy ang pagpapatayo ng binabalak na Imax Theater.
Humingi ng tulong si Anne kay Father Nilo (John Estrada) na namumuno ng isang grupo ng spirit communicators. Nagawa nilang makausap ang mga kaluluwa at mula sa mga ito, natuklasan nila na liban sa mga galit na kaluluwa, may isang madilim at nakapangingilabot na elemento pang naninirahan sa gusali. Higit pa riyan, hindi ito papayag na makatakas ang sinuman, kaluluwa man o buhay na nilalang.