Nagbabala ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) sa mga recruitment agency, na magpapadala ng mga overseas Filipino worker (OFW) sa New Zealand, laban sa paniningil ng placement fees sa kanilang mga aplikante.
Sinabi ni POEA Administrator Hans Cacdac na ipinagbabawal ito dahil may batas ang New Zealand, ang Wages Protection Act 1983, na nagsasaad na hindi dapat na singilin ng anumang premium ang mga dayuhang manggagawa sa bansa.
Sinabi ni Cacdac na inilabas na rin ng POEA ang Memorandum Circular no. 9, series of 2014 na nag-aatas sa lahat ng lisensiyadong recruitment agency na tumalima sa nasabing regulasyon.
Ito ang nilinaw ni POEA sa harap ng mga ulat na nagre-recruit ang New Zealand ng may 10,000 Pilipinong manggagawa upang tumulong sa rehabilitasyon sa Christchurch, na matinding naapektuhan ng lindol noong 2011. - Samuel Medenilla