Ibinigay ni Ian delos Santos ng Far Eastern University (FEU) ang ikalawang gold medal ng Team UAAP-Philippines sa athletics nang manguna ito sa decathlon event sa ginaganap na 17th ASEAN University Games sa Palembang, Indonesia.
Bahagi ng Tamaraws men’s athletics squad, na nagkampeon sa katatapos na UAAP Season 77 athletics competition, tinalo ni Delos Santos ang mga nakatunggaling decathlete ng host Indonesia at Malaysia upang maangkin ang gold sa decathlon para sundan ang naunang athletics gold medalist ng bansa na si Ernest John Obiena ng University of Santo Tomas (UST) na namayani naman sa men’s pole vault noong Miyerkules.
Sa ngayon ay mayroon nang natipon ang Team UAAP-Philippines na 9 gold,10 silver at 17 bronze medals para tumatag sa ikalimang posisyon ng medal standings papasok sa huling dalawang araw ng kompetisyon.
Ito rin ang kanilang maituturing na best performance sa pinakamalaking multi-sporting event para sa student-athletes ng rehiyon mula noong 2008, kung saan nanalo noon ang delegasyon ng bansa ng 8 gold medals sa Kuala Lumpur.
Nagdagdag ng silver medal ang doble gold medalist na si Ateneo tanker Hannah Datu matapos pumangalawa sa women’s 400-meter individual medley swimming event sa tiyempong 5:02.30.
Bukod kay Datu, nag-ambag din ng isa pang silver si Clinton Kingston Bautista ng FEU na pumangalawa sa men’s 100-meter hurdles sa athletics, gayundin ang diver na si John David Pahoyo sa men’s 3-meter springboard event.
Humablot naman ng bronze si Elbren Neri ng UST sa men’s 1,500-meter run, gayundin sina University of the Philippines (UP) tanker Denjylie Cordero sa women’s 100-meter breaststroke, Jessie Khing Lacuna ng Ateneo sa men’s 400-meter individual medley, at ang men’s 4x100-meter freestyle relay team nina Lacuna, mga kapwa Ateneo swimmers na sina Aldo Batungbacal at Axel Ngui, at La Salle tanker Pierce Beltran, ang mga divers na sina Riza Jane Domenios (women’s 1 meter springboard) at Anjoe Loberanes (men’s 1-meter springboard at men’s 5-meter platform event).
Nangunguna pa rin sa medal tally ang host Indonesia na may 48 golds, 62 silvers at 39 bronzes, pumangalawa ang Thailand (43- 30-19), pumangatlo ang Malaysia (30-30-42) at ikaapat ang Vietnam (23-8-2).