ANG ikaapat na kandila – ang kandila ng anghel – ay sisindihan ngayon, kasama ang unang tatlo, sa ikaapat na Linggo ng adbiyento ngayong Disyembre 21, na nagpapaalala sa mga mananampalataya tungkol sa laksa-laksang anghel na nagpahayag ng pagdating ni Jesus sa mga katagang “Narito, hatid sa inyo ang mabuting balita ng dakilang kagalakan!” ang pinakahihintay na pagsilang ni Jesus sa araw ng Pasko ay ilang araw na lang mula ngayon, ang rurok ng apat na Linggo ng adbiyento na hitik sa pag-asa, kapayapaan, pag-ibig, at kagalakan.
Lilipat ang liturhiya mula kay San Juan Bautista patungo sa Mahal na Birheng Maria. ang dalawa ay mahahalagang pigura para sa pagninilay sa panahon ng adbiyento; naging instrumental sila sa paghahanda ng daan para kay Jesus. Habang nakatuon ang pangatlong Linggo ng adbiyento sa pagpapahayag ni San Juan na makakasama ng sangkatauhan si Jesus, ang ikaapat na Linggo, na tinatawag na Linggo ni Maria, ay sumasalamin sa masayang pagtugon ni Maria sa mensahe ni anghel gabriel sa anunciacion na magiging ina siya ni Jesus.
“Lililiman ka ng Banal na Espiritu at ng kapangyarihan ng Kataas-taasan; kung kaya banal ang iyong isisilang, tatawagin siyang anak ng Diyos. Sapagkat wala ngang imposible sa Diyos,” anang anghel. ang tugon ng Mahal na Birhen, na kanyang “fiat”, sa anghel: “Narito ang utusan ng Panginoon, mangyari nawa sa akin ang iyong salita,” ay nagpakita ng kanyang buong pananampalataya at pagsunod sa Diyos.
Ang kuwento ng anunciacion ay matatagpuan sa Lucas 1:34-35, 37, 38. Ang Mahal na Birhen, na puno na ng grasya, ay nakipagtulungan sa plano ng Diyos para sa kaligtasan. Sinundan ito ng misteryo ng Encarnacion o pagkakatawang-tao ng Mesiyas na ipinagdiriwang ng mga mananampalataya tuwing Pasko, ay sumasalamin sa pag-ibig ni Jesus sa pamamagitan ng Kanyang ina, na tulad ni Maria, ang kanilang panalangin ay nakatuon sa pagpapahalaga at pagsunod sa plano ng Diyos.
Ang Ebanghelyo ni San Mateo sa ikaapat na Linggo ng adbiyento ay gumugunita sa pagsilang ni Jesus mula sa pananaw ni San Jose. Naging bahagi si San Jose sa misteryo ng Encarnacion matapos magpakita sa kanya ang isang anghel sa panaginip, na nagpahayag ng, “Jose, anak ni David, huwag kang mangamba na tanggapin si Maria bilang iyong maybahay, sapagkat naglilihi siya bunga ng kapangyarihan ng Espiritu Santo; magsisilang siya ng isang lalaki, at tatawagin mo siyang Jesus, dahil siya ang tagapagligtas ng sangkatauhan mula sa kanilang mga kasalanan.” Tinanggap nga ni San Jose ang Mahal na Birheng Maria bilang kanyang maybahay pati na ang batang nasa kanyang sinapupunan.
Nakipagtulungan sina San Jose at Mahal na Birheng Maria sa plano ng Diyos sa pagliligtas ng sangkatauhan; sila ang mga huwaran ng dalisay at matapat na tagasunod ng Diyos.