CEBU CITY – Natukoy ng Department of Health (DoH)-Visayas ang pagpasok sa bansa ng dalawang overseas Filipino worker sa bansa mula Liberia, West Africa kung saan laganap ang nakamamatay na Ebola virus bagamat ang mga ito ay dumaan muna ng Malaysia bilang entry point sa Pilipinas.

Ang dalawang OFW, na kapwa nagtrabaho bilang accountant sa Liberia, ay natukoy nang dumating sa siyudad na ito noong Disyembre 16 at bagamat hindi nakitaan ng sintomas ng nakamamatay na sakit, isinailalim pa rin sila ng health officials sa quarantine, ayon kay DoH-7 spokesman Dr. Dino Caing.

Nadiskubre ng Bureau of Quarantine na galing ang dalawang OFW sa Liberia bago nagtungo sa Casablanca sa Morocco at matapos ay sa Dubai bago dumaan sa Kuala Lumpur patungong Cebu sa pamamagitan ng kanilang passport.

“Ang dalawang ito ay nagtatrabaho sa magkaibang kompanya subalit magkasama sa isang gusali na may kalayuan sa Monrovia kung saan laganap ang Ebola. Hindi sila pinayagan ng kanilang employer na magtungo sa mga lugar na may kaso ng Ebola,” pahayag ni Caing.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sinabi pa ni Caing na hindi makakasama ng dalawang OFW – isang 25-anyos na babae at isang 29-anyos na lalaki – ang kanilang pamilya sa Pasko at Bagong Taon dahil matatapos ang kanilang quarantine sa unang linggo pa ng Enero 2015. Mars Mosqueda