IPINAGDIWANG ng mga Pilipino ang ika-78 kaarawan ni Lolo Kiko, este Pope Francis, ang mababangloob na Papa na kung tagurian ng mananampalataya ay “Pope of the Streets” dahil kahit sa pamayanan at mga lansangan na kinaroroonan ng mahihirap at mga bata sa Argentina, ay nagpapamisa o nag-uutos magmisa ang mga pari sa parokya.

Walang budhi, walang awa, diabolical ang pag-atake at pagmasaker ng mga teroristang taliban sa isang paaralan ng mga batang mag-aaral sa isang lugar sa Pakistan. Sa pinakahuling ulat habang sinusulat ko ito, may 150 na ang namatay sa mga walang malay na kabataan habang nananangis ang mga magulang, partikular ang mga ina na sa loob ng siyam na buwan ay kumupkop sa kanila sa sinapupunan.

Galit na nag-post sa Facebook ang kaibigang journalist na si Manny Mogato ng Reuters tungkol sa massacre na ginawa ng mga walanghiyang tauhan ng taliban. Tinawag ito ni Manny bilang “diabolical” o mala-demonyong gawain ng walang konsensiyang mga terorista.

Inilarawan naman ng kaibigan kong palabiro pero sarkastiko na ngayon ay naging seryoso dahil sa pagmasaker ng mga tarantadong terorista na walang pagpapahalaga sa buhay ng tao: “May kinikilala bang Diyos o Allah ang mga kampon ng kadiliman, mga halimaw na tao nga ang hitsura subalit parang mababangis na hayop ang katulad sa kasamaan!”

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Nagsimula na ang Simbahang Gabi noong Martes. Nagsimba ba kayo o patuloy na naghihilik dahil sa lamig ng umaga? Noong ako’y bata pa, nakukumpleto ko ang siyam na araw ng Simbang Gabi. Dahil malamig ang gabi o madaling-araw, nag-iipon kami ng mga tuyong dahon at sanga ng puno upang kami’y magsiga at mainitan ang katawan. Naglalakad lang kami mula sa aming baryo at naglalakad din pabalik mula sa Simbahan. Iyon ang panahon ng aking kabataan nang ang polusyon at trapiko ay wala pa sa bokabularyo at ang mukha ng kurapsiyon ay hindi pa nakabakat sa mukha ng garapal na pulitiko.