Ni KRIS BAYOS

Hindi madadagdagan ang toll fee na babayaran ng mga motorista sa iba’t ibang expressway sa Luzon sa susunod na buwan makaraang mabigo ang Toll Regulatory Board (TRB) na resolbahin ang toll hike petition ng mga toll road operator.

Sa board meeting nitong Huwebes, hindi nakapaglabas ng resolusyon ang TRB sa hiling na magtaas ng toll fee sa North Luzon Expressway (NLEX) at Manila-Cavite Toll Expressway (Cavitex) simula sa Enero 1.

Kinumpirma ni TRB Spokesperson Julius Corpuz na walang inilabas na resolusyon at hindi rin nagtakda ang TRB ng petsa ng susunod na pulong para dinggin ang mga petisyon sa toll hike.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“Petitions are still being reviewed and evaluated by the Board,” aniya, at tumangging magbigay ng karagdagang mga detalye tungkol sa pulong.

Hindi rin direktang sinagot ni Corpuz kung posible pa ring makapagpatupad ng provisional increase simula sa Enero 1, gaya ng iginigiit ng mga petitioner.

“No toll hike can be implemented until the TRB comes up with a resolution approving any toll increase,” aniya.

Matatandaang hiniling ng Manila North Tollway Corp. (MNTC) at Cavitex Infrastructure Corp. (CIC) ang pahintulot ng gobyerno para makapagpatupad ang una ng 15 porsiyentong dagdag sa toll fee sa NLEX at 25 porsiyento naman sa MIAA Road, sa bahagi ng Zapote sa Cavitex, ayon sa pagkakasunod, simula sa Enero 1. Sa kanilang mga petisyon, iginiit din ng mga toll road operator ang provisional na pagapruba sa petisyon habang tinatalakay pa ito ng TRB.

Maaaring mag-apruba ang TRB ng provisional toll rate adjustments, ngunit nilinaw ni Corpuz na ginagawa lang ito sa mga sitwasyong “extreme or urgent”.

At dahil kinakailangang mailathala muna nang tatlong magkakasunod na linggo sa isang pahayagan ang pagapruba sa taas-singil sa toll fee, ang anumang toll hike—provisional man o permanente—ay hindi na uubrang maipatupad sa Enero 1, gaya ng isinusulong ng mga toll road operator.