Hihingi ng tulong kay Pope Francis ang siyam na dating empleyado ng People’s Television Employees Association (PTEA) makaraan silang sibakin sa trabaho ng PTV-4 management dahil sa pagsama sa rally noon sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Benigno S. Aquino III sa Kongreso sa Quezon City.

Sa pulong sa Quezon City, sinabi ni Angie Arguelles, vice president ng PTEA, na pipilitin nilang maiparating sa Papa ang kanilang karaingan sa pagdating nito sa bansa sa Enero 15, 2015.

Ayon kay Arguelles, sa halip na ibigay sa kanila ng gobyerno ang tamang benepisyo, partikular ni PCOO Secretary Sonny Coloma, ay sinibak pa sila nito.

Aniya, ikinagalit marahil ng kalihim ang bitbit na placard sa rally na may katagang “Berdugo si Coloma”.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Kabilang sa mga tinanggal sa trabaho sina Angie Arguelles, vice president ng PTEA; Reynaldo Castillo, chairman of the board; Jasmine Barrios, secretary; Sammy Hagosojos, board member; Danilo Rentoy, board member; Leonito Docto, board member; Arvin Maglonzo, board member; Boogie Ambat, board member; at Ana Marie Tomines, treasurer.

Napag-alaman na nagalit si Coloma sa mga nabanggit na opisyal ng PTEA kaya pinatawan sila ng suspensiyon at makalipas ang ilang buwan ay tuluyan nang sinibak sa trabaho.

Inirereklamo ng PTEA ang “unremitted GSIS premiums despite deductions, hindi pagbabayad ng retirement benefits ng mga retirees, walong taon na walang umento sa sahod, tatlong taon na hindi binabayaran ang overtime, patuloy ang hiring ng mga bagong empleyado, unremitted tax payments despite deductions at pagtatago ng proseso ng reorganization”.