Inamin ni dating pangulo at Manila Mayor Joseph Estrada na si ex-Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Mar Roxas ang pinakamahusay na miyembro ng kanyang Gabinete.

Inihayag ito kamakalawa ni Estrada matapos nilang lagdaan ang Memorandum of Agreement (MOA) sa P100-M trust fund mula sa Department of Interior and Local Government (DILG) para sa pabahay ng informal settler families (ISFs) na itatayo sa Baseco Compound sa Tondo, Maynila.

“Nagsasabi lang ako ng totoo, walang pulitika rito. Pinakamahusay siya sa mga miyembro ng aking Gabinete,” ani Estrada. “At hindi siya nasangkot sa anumang katiwalian, hindi pagdududahan ang kanyang integridad.”

Sinabi naman ni Roxas na ang MOA ay patunay na sa pagtutulungan ng pamahalaan at local government units (LGUs) ay maraming malulutas na problema.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“Nandito tayo para maisakatuparan ang isang matibay at ligtas na tahanan para sa lahat ng nakatira sa mapanganib na lugar,” ani Roxas na nagpasalamat sa lahat ng katuwang ng DILG na tulad ng civil society groups at people’s organizations. “Hindi ito political promise kundi moral promise ni Pangulong Aquino.”

Bahagi ang dalawang proyekto ng pabahay sa Maynila, isa sa Baseco at isa sa De Dios, sa P334.5 milyong pondo para sa ISFs sa Metro Manila na kasama rin ang mga lungsod ng Malabon, Las Pinas, Muntinlupa, Caloocan, Navotas at Manila.

“Dahil buong komunidad tayong nandito, ito ay bahagi ng tinatawag ni Pangulong Benigno Aquino III na ‘whole of country approach’: nakikiisa at nagkakaisa,” dagdag ni Roxas. “Patutunayan natin na sa matuwid na daan ay walang pababayaan at walang iwanan.”

Dumalo rin sa okasyon sina Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Dinky Soliman, Presidential Adviser on Political Affairs Secretary Ronaldo Llamas at Philippine Commission for the Urban Poor (PCUP) Chairman Hernani Panganiban.