Pitong pasahero ng pick-up truck ang malubhang nasugatan makaraang bumaligtad ang sasakyan habang inihahatid nila ang isang lalaki na biktima ng hit-and-run sa Banga, South Cotabato noong Huwebes ng gabi.
Naganap ang insidente sa Barangay San Vicente, Banga, habang sakay ng puting Mazda pick-up (WJI-493) ang mga biktima na patungo sa Koronadal City.
Sa salaysay ng driver ng sasakyan na si Bonny Seruela, 24-anyos, ng Isulan, Sultan Kudarat, nagmula umano ang mga biktima sa bayan ng Surallah kung saan ay isusugod nila ang isang lalaki na nasagasaan ng dump truck.
Dahil sa kinakailangan agad na madala sa ospital ang lalaki, humarurot ang sasakayan subalit biglang nawalan ng kontrol ang manibela at saka bumaligtad ang sasakyan.
Nagtamo ng minor injuries si Seruela habang nasa malubhang kalagayan ang anim na kasamahan nito kung saan ay patuloy na ginagamot sa pagamutan kasama ang biktima ng nasagasaan ng truck.