POSIBLENG maharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Law on Firearms and Ammunition, Direct Assault at Resisting Arrest ang dating asawa ng actress na si Aiko Melendez at kasama nito dahil sa umano’y panunutok ng baril sa isa sa mga rumespondeng pulis para sana mamagitan sa pakikipagtalo sa isang taxi driver sa Pasay City kahapon ng madaling araw.

Nakadetine sa detention cell ng Pasay City Police headquarterx ang naarestong si Martin Jickain at kasama nito na nagngangalang Almoro dahil sa kinasangkutang insidente.

Sa inisyal na ulat, dakong 12:30 ng madaling araw ay nagkaroon umano ng komprontasyon si Jickain at ang isang taxi driver na nag-park sa likod ng kanyang sasakyan malapit sa isang restaurant sa kanto ng Roxas Boulevard at Santa Monica Service Road sa nasabing lungsod.

Namagitan ang mga pulis subalit nakipagtalo rin sa kanila si Jickain.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Tinangka ng mga pulis na pakalmahain o payapain si Jickain ngunit sinasabing nagpunta ang suspek sa kanyang sasakyan at pagbalik ay bigla umanong tinutukan ang isa sa mga pulis.

Narekober kay Jickain ang isang baril at dalawang magazines na naglalaman ng 12 bala at may kaukulan itong lisensiya.

Hindi naman nagbigay ng pahayag si Jickain kaugnay sa insidente dahil kailangan umano muna niyang makausap ang kanyang abogado.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya kaugnay sa naturang kaso.