Hinimok ng pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang mga Katoliko na maging makabayan at mabuting mamamayan bilang bahagi ng paghahanda para sa Papal visit.
Ayon kay CBCP president at Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas, bahagi ng pagiging mabuting Katoliko ang pagiging mabuting Pilipino.
Hindi aniya maaaring ihiwalay sa pagiging Katoliko ang pagbalewala sa pagmamahal sa bayan.
Giit niya, magagawa ito sa pamamagitan ng panalangin at pagninilay na bahagi ng paghahandang espiritwal.
“Ilang linggo na lamang, darating na sa ating bansa si Pope Francis at ang pinakamahalagang paghahanda ay sa pamamagitan ng panalangin at pagninilay,” ani Villegas sa panayam ng Radio Veritas. “Kayo po ay inaanyayahan ko na pagnilayan natin ang kahalagahan na mahalin ang Santo Papa at ang ating Simbahan na sana ay alagaan tayo ng Mahal na Birhen at akayin tayo patungo sa kanyang anak, kay Hesus, sa pamamagitan ng halimbawa ni Maria.”
“Mahalin natin ang ating pagiging Pilipino, mahalin natin ang ating pagiging Kristiyano,” pahayag ng arsobispo.
Si Pope Francis ay bibisita sa bansa sa Enero 15-19, 2015.