ANUMAN ang sabihin ng sinuman, kabilang ako sa mga maninindigan para sa pagbabalik o pagbuhay ng death penalty. Naniniwala ako na ito ay isang epektibong hadlang sa karumaldumal na krimen, lalo na ngayon na walang patumangga ang patayan, panggagahasa at paghahari ng mga drug lord; ang lahat ng ito ay dapat lamang hatulan ng kamatayan. Hindi ba dapat ding sakupin nito ang walang pakundangang pangdarambong ng salapi ng mga mamamayan?

Ang matinding panawagan sa pagbuhay ng death penalty ay minsan pang umigting dahil sa tandisang pagtalampak ng mga high profile inmates sa New Bilibid Prisons (NBP) tulad ng sinasabing mga drug lords na matagal nang hinatulan ng habambuhay na pagkabilanggo. ang mga ito ay nagbuhay-maharlika, wika nga, sa loob ng NBP dahil sa umano’y pagpapahintulot ng mismong mga opisyal ng naturang ahensiya ng gobyerno. Sino nga naman ang maniniwala na ang maluhong pamumuhay ng mga ito sa loob ng mga bilangguan ay walang bendisyon ng prison officials? Maaaring hindi nga sila tuwirang pumatay ng kanilang kapuwa, pero ang kanilang pagiging drug lord ang maliwanag na nagiging dahilan ng pagkagumon ng ating mga kababayan sa masamang bisyo – pagkagumon na nag-uudyok sa kanila upang pumatay at manggahasa.

Magugunita na ang death penalty ay inalis noong nakaraang administrasyon sa udyok ng mga organisasyong pang-relihiyon. Hindi ko matiyak kung ang naturang kahilingan ay may pahiwatig ng liderato ng Vatican. Subalit isang bagay ang maliwanag: ang paghadlang ng mga religious groups ay nakaangkla sa kawikaan na ang death penalty ay isang paglabag sa kautusan ng Panginoon. Ibig sabihin, Siya lamang ang may karapatang bumawi sa buhay ng Kanyang mga nilikha.

Hindi maikakaila na ang death penalty ay minsan nang napatunayang isang hadlang sa nakaririmarim na krimen. Mayroon nang mga binitay na nahatulang nanggahasa ng isang sikat na artista, kabilang na ang nanggahasa ng kanyang sariling anak, mga drug lords, at iba pa.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sa ganitong pangyayari, hindi ba marapat lamang na may managot kapag buhay ang inutang?