Dapat nang pagbigyan ng Sandiganbayan ang kahilingan ni dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo na pansamantalang makalaya mula sa hospital arrest upang makapiling ang kanyang pamilya ngayong Pasko.

Ayon kay dating Far Eastern University (FEU) Dean Antonio Abad, karapatan ni Arroyo na mapagkalooban ng Christmas furlough dahil sa kanyang maselan na kondisyon.

Kasalukuyang nakasailalim sa hospital arrest sa isang silid sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) sa Quezon City, nahaharap ang dating pangulo sa kasong plunder matapos iugnay sa paglulustay umano ng P355-milyon pondo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Subalit karamihan sa mga opisyal ng PCSO na kinasuhan ay pinayagang makapagpiyansa ng Sandiganbayan.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Dalawa sa mga akusado ang pinayagang makapagpiyansa isang linggo matapos silang maaresto.

“Mahina na ang kanyang pangangatawan base sa aking mga naririnig at napapanahon na bigyan natin siya ng kaunting konsiderasyon. Ngayon ay Pasko, ito ang panahon ng bigayan,” pahayag ni Abad sa Usaping Balita news forum sa Quezon City.

Aniya, tanging Christmas furlough ang maipagkakaloob ng korte kay Arroyo sa kasalukuyan.

At kung ang takbo ng kaso ang pagbabatayan, iginiit ni Abad na matagal na sanang pinayagan si GMA na makapagpiyansa dahil ang kasong kinahaharap nito ay conspiracy o kutsabahan sa paglulustay ng pondo.

“Under conspiracy for which they have been charged, the act of one is the act of all so if her co-accused were granted bail because the evidence against them is not strong, how is it that she was not given the same ruling? For me that is really legally wrong and not fair,” paliwanag ni Abad.

Samantala, inihayag ng Atty. Larry Gadon, isa sa mga abogado ni Arroyo, na hindi nagbabago ang kondisyon ng dating pangulo sa kabila ng medical intervention na ipinagkaloob sa kanya.

“Patuloy na nakararanas ng matinding kirot si Arroyo sa katawan at leeg at paminsan-minsan ay nabubulunan dahil sa kanyang kondisyon,” ayon kay Gadon. (Ben Rosario)