Pinaalalahanan ng Department of Health (DoH) ang publiko na mag-ingat sa pagbili ng mga laruan na ipangreregalo ngayong Pasko.
Ayon kay DoH spokesman Dr. Lyndon Lee Suy, dapat na tiyakin na akma sa edad ng bata ang laruang ireregalo sa kanila. Dapat ring ligtas ang mga ito, hindi choking hazard at walang halong nakalalasong kemikal.
“Aside from being appealing and suitable for a child’s age, toys should be safe from choking, sharp points or edges, especially for young children,” ani Lee Suy.
“A safe toy is one that is suitable to the child’s physical capabilities and mental and social development, is appealing and interesting, well-constructed, durable, and safe for the child’s age,” giit pa nito.
Para sa 1-taong gulang na sanggol pababa, maaaring magbigay ng rattles, malalaki at makukulay na bola, washable stuffed dolls o animals na may malalaki at malilinaw na mukha.
Sa mga edad dalawa hanggang tatlo, maganda umanong magbigay ng wooden animals, mga manika, kiddie cars, modeling clay, at rocking horses, habang sa mga edad 4 hanggang 5 ay maaring magregalo ng puppets, push toys, building blocks, bola at saranggola.
“Always check the labels on the packaging of toys and follow the instructions or precautions in the labels. And dispose the plastic packaging accordingly. Keep it out of the reach of children,” paalala pa ni Lee Suy.
Hindi naman aniya mainam gawing pang-regalo sa mga batang wala pang 3-taong gulang ang mga laruang choking hazard, na tulad ng maliliit na bola, o may maliliit na parte na madaling masira, matutulis, o may bahagi na maaaring maging dahilan ng pagkasugat sa kanila.
“Mahalaga ang buhay. Tiyakin natin na ang ireregalong laruan ay magdadala ng saya at hindi disgrasya. Salubungin natin ang Bagong Taon nang ligtas, masaya, at puno ng pag-asa,” pahayag pa ng health official.