HINDI nakaksawang basahin mula sa Mabuting Aklat ang talinghaga ni Jesus tungkol sa mabuting Samaritano. May nagtanong kasi kay Jesus ng “Sino ang aking kapwa.” Sinabi ni Jesus na dapat nating ituring kapwa ang lahat ng taong makasasalamuha natin sa ating buhay, na dapat natin silang tulungan sa abot ng ating makakaya.

Sa totoo lang, siniseryoso ko ito. Ang kuwentong ito tungkol sa Mabuting Samaritano ang nag-udyok sa akin na sumali sa mga volunteer group simula noong dalagita pa ako hanggang ngayong may dalagita na ako. May kung anong ligaya akong nararamdaman kapag nakakatulong ako sa mga nangangailangan, kilala ko man sila o hindi. Hanggang isang araw...

Kababayad ko lang ng electric bill at tubig nang bulagain ako ng aking kapitbahay. Nanghihiram siya ng pera. Mag-e-enroll daw ang kanyang anak sa paaralang minimithi nitong pasukan. Malaki ang kanyang hinihiram kung kaya nabigla talaga ako. Naawa at nainis din ako sa kanya. Naawa dahil, bakas sa mukha ng aking kapitbahay ang masidhing pangangailangan. Naiinis dahil hindi nito pinaghandaan ang pangmatrikula.

Buong galang kong ipinaliwanag sa kanya na totoong wala akong pera na, dahil nagbayad nga ako ng utilities. At ang natitira kong pera ay para na lamang sa pansarili kong panustos sapagkat malayo pa ang susunod na suweldo. Gayong mayroon naman akong naitatabi sa bangko ngunit nanaig sa atin ang katamarang magbihis at mamasahe papunta sa AtM. Sa madaling salita, hindi ko siya pinahiram.

National

Rep. Defensor, ‘10/10’ confident na mapapatalsik si VP Sara

Sinikap ko namang pakalmahin ang aking konsiyensiya sa pagsasabi sa aking sarili na hindi lahat ng tao ay aking matutulungan, o sa paninisi sa nanghihiram na dapat pinag-ipunan niya ang pangmatrikula ng kanyang anak, ngunit batid kong binibigyan ko lang ng katarungan ang aking katamaran atpagtanggi. Alam ko rin na dapat maging matalino ako sa pagpapahiram ng pera sa kung sino, ngunit sa kasong ito, napalampas ko ang isang pagkakataong makatulong sa kapwa. At labis akong nalungkot.

Panginoong Diyos, turuan Mo po kaming maging alerto sa mga oportunidad na maging mabuting kapitbahay.