Mas lumakas ang tsansa ng Tanduay Light na makausad sa playoff round matapos maitala ang ikaapat na panalo nang padapain ang Racal Motors, 70-57, kahapon sa pagpapatuloy ng PBA D-League Aspirants Cup sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Nagposte si Aljohn Mariano ng 21 puntos at 6 rebounds upang pangunahan ang nasabing panalo ng Rum Masters na nag-angat sa kanila sa barahang 4-4 para tumatag sa ikaanim na puwesto.

Mula sa 11 puntos na kalamangan sa halftime, 34-23, nagsimulang kumalas ang Rum Masters sa third period kasunod sa inilatag nilang 23 puntos kumpara sa 11 lamang ng Alibabas upang itayo ang 54-37 bentahe papasok sa final period.

Kasunod nito, hindi pa sila nagkasya sa nasabing kalamangan at pinalobo pa ito hanggang 59-34, mahigit 6 minuto na lamang ang natitira sa laban.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

``Medyo gumanda ‘yung puwesto namin. Pero siyempre malayo pa, hindi pa kami dapat na makuntento. Hindi naman kasi kagaya ng Hapee, Cagayan, Jumbo at Cebuana ‘yung mga tinalo namin,`` pahayag ni Tanduay coach Lawrence Chongson.

``Sa ngayon, okey na rin dahil mas gumanda ‘yung chance namin, kung susuwertihin baka makaya pa naming mag-number 4 para sa twice-to-beat sa playoffs,`` ayon pa kay Chongson. Sa kabilang dako, tumapos naman na top scorer para sa Racal na bumaba sa ika-9 na puwesto na taglay ang barahang 2-5 si Raffy Reyes na nagtala ng 22 puntos na kinabibilangan ng 4 na 3-pointers.

Una rito, maagang nag-init ang mga kamay ng bagong recruit ng Rum Masters na si Aljohn Mariano para pamunuan ang 0-6 na panimula ng koponan sa first canto.

Nagtala ang dating University of Santo Tomas (UST) standout ng 12 puntos sa nasabing unang 20 puntos na ratsada ng Tanduay habang nanggaling naman ang 6 puntos ng Racal Motors sa tig-isang 3-pointer nina Raffy Reyes at Marte Gil.

Dahil dito, nagkaroon ng pagkakataon si Chongson na mabigyan ng balanseng exposure ang kanyang mga player sa second quarter kung saan naungusan sila ng Alibaba sa opensa, 17-14 at tapyasin ang kalamangan sa 11 puntos, 23-34, sa halftime.