Pinaalalahanan ng mga organizer ng papal visit ang mga Katoliko na magpakita ng disiplina sa paglahok ng mga ito sa mga aktibidad na inihanda para sa pagbisita sa bansa ni Pope Francis, sa pamamagitan nang pagsusuot ng disente, hindi pagkakalat, at pag-iwas na magtulakan.

Ang mga naturang paalala ay nakasaad sa isang video na ipinaskil ng papal visit organizer sa YouTube. Ilan sa mga public figure na nagbigay ng gentle reminders sa video ay sina Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle, Bernadette Sembrano-Aguinaldo, Chris Tiu, Enchong Dee,Carla Abellana at Boots Anson-Rodrigo.

Pinaalalahanan ng organizer ang mga Katoliko na aktibong makiisa sa mga banal na misa na pangungunahan ng Papa, sa pamamagitan nang pag-awit at pagtugon. Bawal ang magsuot ng sando, sleeveless, midriffs at mini-skirt at mga short sa okasyon.

Dapat ring panatilihin ang kaayusan at kapayapaan sa Misa at sumunod sa instruksyon ng mga awtoridad para sa kapayapaan, kaayusan, seguridad at public health.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Mas mainam na alamin ng mga dadalo ang lokasyon ng first-aid stations at mga portalets, sakaling kailanganin nila ang mga ito.

Nagpaalala rin ang mga organizer sa publiko na huwag magkalat at panatilihing malinis ang mga lugar na pupuntahan ng Papa at sumunod sa batas trapiko.

Bantayang mabuti ang mga paslit na isasama sa pagdiriwang at tulungan ang mga matatanda, gayundin ang mga may kapansanan.

“Do not push in a crowd,” paalala pa ng organizer.

Si Pope Francis ay nakatakdang bumisita sa bansa sa Enero 15-19, 2015.