Hiniling ni Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr. sa Sandiganbayan na ipasuri ang mga orihinal na dokumento na ginagamit ng prosekusyon bilang ebidensiya laban sa kanya hinggil sa pork barrel scam.
Ito ang naging hakbang ng kampo ni Revilla matapos ni pork barrel scam whistleblower Benhur Luy na pineke nito ang mga lagda ni Revilla sa mga dokumento sa kontrobersiyal na Priority Development Assistance Fund (PDAF).
“The Honorable Court erred in finding that the signatures of Senator Revilla in the PDAF documents were not forged,” saad ng mga abogado ni Revilla sa kanilang mosyon upang baligtarin ng korte ang una nitong desisyon na nagbabasura sa hiling ng senador na makapagpiyansa sa kasong pandarambong na kinahaharap nito.
Dahil dito, hiniling din ng kampo ng senador – na kasalukuyang nakapiit sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center sa Camp Crame, na payagan ang kanilang panig ng karagdagang ebidensiya para sa kanilang muling hirit na makapagpiyansa.
Hiniling ng mga abogado ni Revilla sa korte na atasan ang Commission on Audit (CoA) na ipalabas ang mga orihinal na kopya ng mga dokumento sa PDAF at payagan ang mga handwriting expert ni Revilla – Roger Azores at Atty. Desiderio Pagui, isang retired document examiner ng National Bureau of Investigation (NBI) – na suriin ang mga ito.
“The prosecution’s only link of Senator Revilla to the alleged conspiracy is the execution of the PDAF documents,” iginiit ng mga abogado ni Revilla.