Matigas na pinanindigan ni Pangulong Noynoy Aquino na hindi ito pabor sa panawagang ibalik ang parusang kamatayan sa mga convicted sa karumal-dumal na krimen.
Una nang hiniling ni Sen. Tito Sotto III na ibalik ang death penalty matapos madiskubre ang nagpapatuloy na operasyon ng mga convicted drug lords kahit nakakulong na sa New Bilibid Prisons (NBP).
Sa nasabing raid, nadiskubre rin ang magarbo at masarap na buhay ng mga drug lord sa loob ng kulungan.
Sinabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda, hindi katanggaptanggap ang pamumuhay ng mga kriminal sa kulungan pero hindi sapat na dahilan para ibalik ang parusang bitay.
Naninindigan ang Pangulong Aquino laban sa death penalty dahil sa hindi pa naaayos na sistema sa hudikatura sa bansa.
Sinabi na maari mapatay ang mga mahihirap na akusado kahit inosente dahil sa walang pambayad ng magaling na abogado.